Statement sa pag-apruba ni Pres. Duterte at ng Gabinete sa fuel tax hike sa taong 2019

47579922_1105219496314728_5910370342169214976_o.jpg

Pahirap nang pahirap ang buhay ng mga Pilipino. Hindi pa nga tayo makabangon sa pagsagasa ng TRAIN1, eto na, darating pa ang karagdagang pagpataw ng dalawang piso kada litro ng petrolyo na bahagi pa rin ng TRAIN1. Hindi ito makatarungan. Pabigat ito sa buhay ng pangkaraniwang tao. Bakit pumipilit ang pamahalan na pahirapan lalo ang mga Pilipino na kulang na kulang ang sahod at kita para sa isang makabuluhan at masiglang buhay? Ganito ba ang “ginhawang” ikinakalat sa panahon ng Pasko?

Sabi ng gobyerno, pababa na raw ang presyo ng langis. Dahil dito, hindi raw mahihirapan ang mga mamamayan kapag epektibo na ang pagtaas na P2.00 sa darating na Enero 2019. Sa totoo lang, nang isinagawa ang unang pagpataw sa presyo ng langis nitong taon, hindi akalain ng gobyerno na tataas ang presyo ng langis. Napaka “volatile” ng presyo ng langis sa mundo ngayon. At ayon sa mga dalubhasa sa mundo ng petrolyo, wala nang makakatiyak kung ano ang magiging daloy ng presyo ng langis. Ang prediksyon nga ng US Energy Information Administration ay average ng US$72 kada barrel sa 2019. (Sa ngayon, nasa $50 ang isang barrel.)

Imbes na pahirapan, dapat mabigyan ang mga Pilipino ng kaluwagan sa matataas na presyo ng mga bilihin, tulad ng subsidy para sa mga jeepney driver at mangingisda.

- Atty. Chel Diokno

Abe Diokno